eto ang pinaghalo-halong ideya, pilosopiya, pananaw at kung anu-anong basura pang nilalangaw sa utak ni jon hindi mo kailangang sumangayon welcome kang kumontra maraming salamat sa pagsasayang ng oras
January 1st, 2009
Bagong Taon
Eto ang panahon kung saan lahat ng tao blogger man o hindi ay nagninilay.... Merong nagbabalik tanaw sa nagdaang taon meron namang nagpaplano... Kya katakot takot na "best of" "unforgettables" "new years resolutions" ang naglipana.... Bagong taon... bagong simula..
Ok sasakay na rin ako sa bandwagon, pero hindi totally, sabit lang... tuloy pa rin ang kuwento ko, walang panibagong simula, walang nerve-racking-adrenaline-pumping season ending. Meron lang mga konting pagbabago, actually isagad na natin merong malaking mga pagbabago....
24 ng diyembre... alas 5 ng umaga nsa trabaho ako kakaubos ko lang ng kapeng iniinom ko nun at naghahanda ng manggising ng pasyente. At parang on cue bglang tinawag ako ng bisor. tumawag si kat, hindi ko na nakausap sa fone dahil pinauwi na ako diretso... Thundercats are go na!!! (buntis ang asawa ko at manganganak na sya). Well technically hindi pa naman pero nagcocontract na sya. Medyo taranta at excited akong nagdadrive, napipicture out ko yung mga classic labor scenes na napapanuod ko sa telebisyon at mga pelikula. Naiisip ko pa kung anong komeding kuwento kaya ang mangyayari, exciting. Pagdating ko sa bahay, nasa shower si kat. Kung gaano ako katarantang kumakatok at humahangos na nagtatanong kung kamusta sya at kung anong nararamdaman nya, ganun naman sya ka kalma at steady. Paglabas nya ng bathroom bihis na ako, nangiti sya at biglang humirit nawala ata (yung mga contractions nya). So natulog muna ako... sabi nya bibilangin nya daw muna sisiguraduhin nyang regular. Nagising ako nagbibilang pa rin sya tanghali na nun... kaya parang walang dating sa akin.... tamang relax lang sa bahay, nuod nuod ng tv, nagiisip pa rin ako kung papasok ako nung gabi..... bandang alas nuwebe na ng gabi ng maisipan kong magcall out sick, na syempre hindi kinatuwa ng coordinator... buti na lang sobrang valid ng dahilan ko. Alas 10 ng tawagan ulit ni kat ang doktor regular na ang contractions... kaya pinayuhan kaming pumunta na ng ospital. pagdating dun wala ang doktor binigyan lang si kat ng pain killer pero hindi masyadong malakas kaya buong gabi syang nagdusa sa sakit. 8 oras ang lumipas ng magdecide ang doktor na bigyan sya ng epidural, medyo narelieve ang sakit nya. matinding pressure na lang ang natira. Pero kitang kita mo pa rin sa mukha nya ang pagod,hirap at sakit. Wala naman akong magawa. Nakakapanghina.
By this time 25 na ng disyembre.. pasko... habang ang buong mundo ay masayang nagbubukas ng mga regalo, si kat naghihirap para sa aming regalo... alas 8 ng magpakita ang doktor pra lang irapture ang water bag nya para mapabilis ang proseso... nagpapalit na rin ng shift kaya ipapasa nya kami sa susunod na doktor (wala ang ob ni kat kaya on call ang nagpaanak sa kanya). Bingyan sya ng gamot pangpacontract para mapabilis ang proseso... (na stuck sya sa 9 cm). pagkaraan ng ilang oras oras na para magpush...
Prang nakaslomo ang lahat, ang tagal ng oras, pagod na ako, lalo na si kat... PUSH! 1, 2,3,4,5,6,7,8,9,10.. breath... then PUSH!! yan ang routine ni kat for an hour and a half... awang awa na ako.. pero ayaw lumabas ng bata... ayon sa doktor maliit daw ang pelvic inlet ni kat kaya tumagilid si travis... pilit pinagkakasya ang ulo nya, at evrytime magpush si kat eh bumabagsak ang heart rate ng bata.... distressed na si trav. kailangan na syang ilabas.
Alas 2 ng hapon ng magdesisyon kaming i cs na si kat.. dinagdagan ang epidural, pinrep sya.. pinagdisinfect ako at pinagsuot ng scrubs... naghintay ako sa anesthesia room.. at matapos ang mga preparasyon tinawag na ako sa loob ng or... nakakakaba, hindi ko alam anong mangyayari, kausap si kat... kitang kita sa mukha nya lahat ng hirap. medyo kinabahan ako ng magsimula syang mag chills, wala syang ibang sinasabi kungdi "anlamig penge akong kumot be". "Nalalamigan kasi yung mga laman loob mo be" yan lang ang nahirit ko. pagkatapos ng tila isang libong taon...isang bahing at malakas na iyak ang pumuno sa tahimik at sterile na kuwarto. At ksabay ng iyak ni travis ay ang iyak din ni kat... medyo nanginig ang katawan ko, pero wala ang mga luhang inaasahan ko. 2:49 ng hapon, Merry christmas at happy birthday!!!! Eto na ang gift namin!
Pagkatapos nun parang finast forward ang lahat... 4 nights pa kaming nagstay sa ospital, madaming dumalaw, tinuruan kami kung pano magalaga ng bata, tinuruan si kat pano magbreast feed, tapos dinischarge kami.... pero mataas ang bilirubin ni travis kaya klangan naming makipagkita sa pedia nya kinabukasan... pumunta kami chineck sya lalong tumaas, balik daw kami kinabukasan. kahapon bumalik kami bumaba ng 1 point. nagiisnow ng malakas sobra...... bottle feed daw muna sabi ng doktor para mas madami ang makain ng bata at mailabas nya yung mga bilirubin.... di kailangan ng photo therapy.
January 1 2009...
8 degrees sa labas.. -27 degrees ang real feel dahil sa wind chill.... umuungol ang hangin.... ako kakatapos lang magpadede ng bata. tahimik na natutulog ang magina ko.. kakatapos ko lang kumain ng pansit. nagluto ako kagabi para icelebrate ang bagon taon... paika ika pa ring maglakad si kat... manas ang buong katawan nya... ako halos wala pang tulog simula pasko... pero tila walang humpay ang mga ngiti sa labi naming dalawa... sobrang sulit lahat.... Bagong taon... siguradong bagong buhay. Wala akong "best-of-countdowns" wala akong "most unforgettables" wala din akong "new year's resolution". Meron lang ako... isang munting anghel na kamukha ko... kaya hanggang langit ang pasasalamat ko sa Diyos.
Isang malaking thank you... yan ang simula ng taon ko.....
Posted by jondoromal at 01:10 PM |
December 21st, 2008
pasko
Matagal tagal na rin akong hindi nagcecelebrate ng pasko. Ewan ko ba pero iba talaga ang pasko sa pinas. Simula ng maexile ako dito sa tate nawala na sa sistema ko ang spirito ng pasko. PArang naging sobrang normal na, Wala na yung excitement. Walang celebration, walang inuman, walang regalo, walang caroling, walang badtrip na xmas shopping, at walang pamasko. Wala ng dating. Just another day to wake up and work. Etong darating na pasko ganun ulit. Gising, kain, duty. tipikal na araw ko. Pero at least medyo excited ako this time, Nagtayo nga ako ng xmas tree for the first time. Ewan ko kung talagang adjusted na ako, or mas naapreciate ko na yung brand ng pasko dito. Pwede ring excited ako dahil anytime ay pwede ng manganak si kat, or dahil panalo ang pamasko ko sa sarili. Binili ko sa ebay yung buong discography ng eheads. may katagalan din bago ko to nakita. Kumpleto ko na lahat ng album nila. Mga ep na lang at isang giant poster ang tira sa eheads wish list ko
Basta mas masaya na ako sa parating na pasko. Siguro mas masaya na talaga ako sa mga simpleng bagay. Hindi ko na kailangang malasing para magsaya. Mas ok sana kung kasama ko ang mga kaibigan at pamilya ko. pero ok na rin sa akin magcelebrate kasama si kat at si travis. Sarili kong pamilya, hindi man magiging maingay at magulo ang pasko ko. Siguradong magiging masaya ako. Christmas wish?? wala na akong maisip. for now ang importante lang lumabas si trav na malusog. Solb na ang pasko ko dun
Posted by jondoromal at 07:49 PM |
December 11th, 2008
haay buhay
25 na ako....
25 taong gulang, dapat mature na ako, dapat sinisimulan ko ng trabahuhin ang mga tila nakabinbin kong mga plano. dapat meron na kong solid na long term plan, kahit hindi na solid kahit stable lang ok na. dapat nagsisimula na ang personal progress ko.
Ok pagisipan natin to, mahirap mang aminin pero tila pagiging 25 taong gulang lang ang meron ako sa mga nabanggit ko sa unang paragraph. Nakakadisappoint isiping 25 taon ang nilaspag at nilustay ko sa wala... Wala nga ba akong nagawa? Wala nga ba akong matatawag na acheivements? Meron nga ba akong mapapakitang produkto or imprint man lang sa nilagi ko dito sa mundo? Mahirap isipin. Gusto kong isiping maraming tao,buhay,at mga pangyayari ang naimpluwensiyahan ko. Gusto ko ring isiping marami rami ding mga sitwasyon ang meron akong major impact. Pero kung pagiisipan kong mabuti, wala naman akong maisip. Tsaka kung meron man, acheivement ba to? Kung meron man akong maipagmamalaki siguro yun eh marami akong naging kaibigan. Tsaka marami akong tunay na kaibigan. Yung pang lifetime, yung tipong andyan lang at anytime ay pwedeng balikan. Meron na rin akong sariling pamilya, at magiging tatay na ako. Kinakabahan pa rin ako sa mga mangyayari pero sa tingin ko magiging mabuting ama ako. So proud din ako dun. Pero pwera dun wala na talaga akong ibang maisip na acheivement. Hindi naman sa yun lang ang mahalaga para sa akin.. pero kung iisipin lang kasi dapat sana panibagong milestone sakin ang pagiging 25. Yung tipong titigil ka tapos titingnan mo lahat sa malayo then you'll sigh and go "nice life".
Hindi ko sinasabing hindi masaya ang buhay ko. Hindi lang ganito ang napicture out ko. Pero sobrang thankful ako dahil kahit naging parang roller coaster ang buhay ko sobrang swerte at blessed ko pa rin. Wala na akong mahihiling pa sa sobrang swerte ko. Personal growth lang talaga ang kulang sa akin, Puno pa rin ako ng mga tanong, puno pa rin ako ng mga planong nakabitin, hindi ko pa rin alam kung ano talaga ang gusto kong gawin sa buhay ko, nagmamakaawa pa rin ang buhay ko para sa progress at pagbabago. Siguro marami ng nagbago sa akin. hindi ko lang alam kung may naging progress ba ako. Kung pinansyal ang pagbabatayan oo meron akong progress, pero nababagalan ako, masyadong steady. Ewan ko kung masama bang maging slow at sure or masyado lang akong demanding. Hindi ko naman ineexpect na kumita ng malaki agad, or magkaroon ng easy money (ok sana kung meron). Pero alam ko kasing i can do better, yun yung pumapatay sa akin. Sa tingin ko im worth more than what im earning,hindi naman sa naliliitan ako sa sahod ko. Alam ko lang na mas higit pa ang kaya kong gawin. Alam ko lang na im better than the person i am right now. Siguro pagdumating ang panahon na nagagamit ko lahat ng dunong at kakayahan ko, ill be happy kahit magkano pa sahod ko. Siguro yun yung magiging pinaka acheivement ko. Kaya i hate my job, walang personal satisfaction, nakakabobo. Nakakadrain din emotionally at mentally, After halos dalawang taon kung pagtitiis feeling ko makakasapak na ako ng pasyente. Hindi para sa akin tong trabaho ko. Isang taon pa dito magiging masamang tao na ako, or baka maging serial killer, or baka maging psychotic lang. Pero for now, nagpapasalamat pa rin ako sa kinalabasan ng lahat lahat. Kung titingnan sa malayo di ko masasabing "nice life" pero sa paghugot ko ng buntong hininga mapapangiti ako at masasabi kong "its not bad" its actually been fairly good. Boring but good.
Posted by jondoromal at 01:08 PM |
November 20th, 2008
8 track
Kahapon pa ako nagiisip ng mapagkakaabalahan.. wala naman akong maisip kaya stuck na naman ako sa bahay.... wala akong nagawa sa dalawang gabi kong dayoff, nakakainis isipin pero wala naman akong magawa... Talagang amboring na ng buhay ko.. Sinubukan kong magpinta kaso tinamad ako at hanggang pagiisip lang ng idea ang inabot ko... hindi ko man lang nagawang ilabas ang canvas at mga pintura... binalak ko ring magpatugtog, para lang matigilan sa harap ng cd rack at maghanap ng album na babagay sa batugan kong araw... halos isang oras at kalahati din akong tumingin ng mga cds ko. Kaso parang andaming nawawala.. at nadiskubre kong konti lang ang cd kong tagalog... saka ko naisip nasan na kaya yung mga album ko...
Elementary ng magsimula akong maadik sa musika... 1993.. kainitan ng tunog kalye... eraserheads ang hari sa buong bansa.. buhay na buhay ang musikang bato sa pilipinas.... naglipana ang mga pankista.... tandem sa recto ang the place to be.. at least para sa akin at sa mga iba pang kabataang bihag ng tunog kalye... 8 track tapes ang umuubos ng pera ko nung panahon na to.. mga 8 tracks na ngayon ay hindi ko na maalala kung nsaan.. nakakapanghinayang isiping hindi ko man lang naitabi ang mga kayamanan kong iyon... kaya naman parang andami kong nawawalang albums... kulang ang catalog ko... syempre andyan pa rin ang nirvana, ang pearl jam, ang guns n roses, ang metallica, stp,the clash, sex pistols, 2pac,run dmc, beastie boys, at iba pang mga album na para sa akin ay classics na... pero kulang pa rin, kulang sa ugat... kulang sa puso.. yung punla na nagsimula ng lahat... tunog kalye.. oo meron akong mga album na tagalog. pero wala pa ring papalit sa mga album na gaya ng cutterpillow, sa circus,sa sticker happy, sa semenelin. Wala pa ring papalit sa yano,sa the youth,sa teeth, sa orig na rivermaya, sa datus tribe, sa the wuds, sa phil. violators, sa tame the tikbalang, sa color it red, sa the dawn, sa panahon na halos araw araw akong naglalakad papuntang tandem para lang tumingin tingin ng album. sa panahon na tinitipid ko ang karampot na baon para pag dating ng biyernes ay may mabili akong 8 track. Sa panahon na halos araw araw kung pinangarap pumuntang club dredd. Sa unang beses kung pumuntang oktoberfest sa payanig sa pasig. sa unang blackeye kung nakuha sa moshpit.wala pa rin papalit sa mga panahon na yun.. kung sana naitabi ko lang yung mga 8 track ko.. kahit sandali mababalikan ko yung mga panahon na yun... sayang
Posted by jondoromal at 02:28 PM |
November 12th, 2008
usok sa utak
Hindi ko na maalala ang eksaktong date nung huli akong bumili ng sigarilyo. Masarap sa pakiramdam at masaya rin sa bulsa. Tunay na acheivement para sa akin... Dahil pagkatapos ng halos 10 taon kong paninigarilyo ay natigil ko ng ganun ganun lang... Cold turkey. Will power lang tsaka disiplina. Syempre nakatulong din na walang nagyoyosi sa paligid ko. Kaya nga sobrang proud ako at nagawa kong itigil yung bisyo ko.. Mahirap sa una lang.. Pero kung iisipin mo naman talaga hindi rin naging ganun kahirap.. walang mga panginginig o mga kung anumang withdrawal symptoms ng adik. pinakaepekto lang siguro sakin mood swings tsaka yung focus na agad namang bumalik matapos ang ilang linggo. Hindi ako nagmamagaling, proud lang ako...
Kung binabasa mo to ngayon siguro naiisip mo.. Bat ko naman biglang naisipang magblog tungkol sa limot kong bisyo.. Ok simulan natin ang kuwento...
Masama ang pakiramdam ko ngayon.. Barado ang ilong, parang sinusunog ang lalamunan, masakit ang ulo... Siguro dala ng 4 na oras kong pagsusuka... Nagising na lang ako kaninang umaga na biglang nasusuka. Badtrip, at nakapagtataka... Hindi naman ako inaatake ng migraine ko (na madalas dahilan ng pagsusuka ko). Kung meron man napakaliit lang. So napaisip ako kung anong pwedeng dahilan.... Wala naman akong kinain bago matulog bukod sa hot and spicy na century tuna at kanin. Pero naalala ko ring medyo weirdo yung lasa ng tuna. Medyo may katamisan. Expired?? Food Poisoning? Tuloy ako sa pagsusuka...
Matapos ang 2 oras full blown na ang migraine ko... Badtrip ngayon kaaway ko na lahat. lalo na ilaw at ingay... badtrip na talaga... tuloy ako sa pagsuka. So tuloy ako sa pagiisip, syempre gusto kong idiagnose muna ang sarili bago uminom ng gamot. Pwedeng trangkaso! tama trangkaso... Kasi kaninang umaga bago umuwi nilagyan ko ng gas ang sasakyan ko at chineck at hinanginan lahat ng gulong... Malamig sobra, feeling ko lumutong yung mga tenga ko... Pero teka.. wala nga pala akong quarters so naisipan kong magpapapalit... Saka ko naalala. bumili akong yosi!!... Oo tama yosi ang matamis na usok na akala koy nalimot ko na... Ewan ko kung instinct o subconcious pero naalala ko na lang na nagsindi ako ng yosi, nanigarilyo at pagkatapos ng ilang hithit ay tinapon ang sigarilyong halos nangalahati rin.. Yosi nga... ang salarin.. ang usok na tila lason na sa aking sistema... Kung may natutunan ako sa pagtigil sa pagyoyosi...yun ay pag tumigil ka ng matagal, malilimutan ng utak mo kung gano kasarap lumanghap at humithit ng usok na puno ng kemikal na nagdadala ng kanser. Tila magigigising ang utak mo sa matagal na pagkakabrainwash. Maililimutan ng sistema mo kung paano tanggapin ang mga kemikal na dapat naman ay wala dun... Kaya ako eto nabigyan ng isa, Pinaparusahan ng sarili kong sistema. Marahil pinaramdam lang ng utak ko kung ano talaga ang dala ng matamis na usok.... Naisip ko tuloy bat ba ako nagsimulang manigarilyo??? Nung una ang alam ko curiousity lang.. tapos naging madalas kasi feeling ko cool ang dating.. Parang patok. Hanggang sa naging ugali ko ng manigarilyo pag busog at nagbabanyo... hanggang sa naging bisyo na.. pag walang magawa sindi, pag gutom sindi, pag aalis ng bahay sindi, pagkadating sindi, pagkagising sindi, bago matulog sindi... Full blown bisyo. Buti na lang talaga natigil ko at hindi na ako hawak sa leeg ni mang boro. Malaya na ako.. kaya binatukan ako ng utak ko para ipaalala kung gaano kasama ang ligayang dala ni mang boro. Kaya eto ako minamigraine, lalabas para itapon ang isang kahang yosi (minus 1). Pero napaisip ulit ako... hindi kaya food poisoning or trangkaso?? Sumuka ulit ako. Nah i dont think so :D
Posted by jondoromal at 03:37 AM |